Kahit Ngayon Lang
Nakayupyop lang siya sa isang tabi. Sa loob ng kanyang kwarto at pinipigilan ang luha sa banta nitong paglandas sa kanyang mga pisngi mula sa kanyang mga mata. Inaabot niya ang talampakan niya upang hindi niya masyadong masaktan ang sakit ng mga alaala ng nagdaan gabi.
Kasalanan din naman niya kung bakit siya nagkakaganito ngayon. Dapat ay hindi niya pinaandar o binigyan ng halaga ang emosyon niya. Kung hindi niya iyon binigyan ng halaga ay hindi na sana siya nasasaktan ngayon. Kahit na anong pilit niyang pagpigil ay tuluyan nang nakahulagpos ang luha mula sa kanyang mga mata. Kasabay ng paglandas nito sa kanyang mga pisngi ay nanumbalik sa kanyang alaala ang mga pangyayari na ayaw na sana niyang alalahanin pa.
Nakilala niya si Dictor sa isang sitwasyon kung saan gipit siya sa pera. Kahit na hindi sila magkakilala nito ay pinahiram siya nito ng pera. Magmula noon ay palagi na silang nagkikita hanggang tuluyan na ngang nahulog ang loob niya dito. Pero dahil tipikal na babaeng Pilipina ay hindi niya ipinaalam sa lalaki ang kanyang damdamin para rito. Inilihim niya ito dahil nahihiya siya. Alam niya na hindi sila maaaring magkaroon ng relasyon ni Dictor. Maaaring napapalapit na rin ang loob ni Dictor sa kanya ngunit talagang hindi maaari dahil mali sa mata ng lipunang ginagalawan nila.
Isang hatinggabi ay nagpunta si Dictor sa bahay apartamento na inunupahan niya. Hindi ito lasing. Siya lang mag-isa sa apartment. Ang kanyang kasamang babae ay umuwi pansamantala sa bahay ng mga ito sa probinsya.
“Dictor? Anong ginagawa mo rito? Hatinggabi na, ah” binuksan niya nang maluwang ang tarangkahan ng apartment. “Halika, pasok ka muna”
Magkasabay silang pumasok sa apartment. Naupo si Dictor sa pang-isahang upuan na nasa sala. Malungkot ang mukha nito. Halatang-halata na mayroong malaking problema na kinakaharap.
Dinulutan niya ito ng kape bago siya umupo sa harap nito. “May problema ka ba? Kung maaari akong makatulong ay tutulong ako” sinsero niyang pahayag dito.
Umangat ang mukha ng lalaki. “Hindi ko siya maintindihan, Amanda. Palagi na lang kaming nag-aaway. Lagi siyang humahanap ng dahilan upang mag-away kaming dalawa. Minsan ay umaakto siyang parang bata. Kaya pinagpasyahan ko na magpunta rito upang may mapagsabihan ako ng mga problema ko sa relasyon namin.”
Nakaramdam siya ng awa sa lalaki. Nilapitan niya ito at niyakap. Gusto niyang i-comfort ito. Ayaw niyang makita na nasasaktan ito nang dahil sa isang babae lang na walang konsiderasyon.
“Ayos lang iyan. Huwag kang mag-alala. Alam kong maaayos rin ninyo ang problema ninyong dalawa.”
Gumanti ng yakap sa kanya ang lalaki. Tila sa kanya kumukuha ng lakas upang malampasan nito ang suliranin nito. Matagal silang nanatiling magkayakap. Walang namamagitang salita sa kanilang dalawa. Basta komportable lang sila na nanatili sa ganoong ayos. Alam niyang hindi magandang tingnan ang ayos nila kaya kumalas siya sa pagkakayakap niya rito. Natatakot siya na baka kung saan hahantong ang simpleng yakapan na iyon. Natatakot siya na baka ipagkanulo siya ng kanyang nararamdamang pag-ibig para sa lalaki. Ngunit sa ginawa niyang pagkalas ay hindi pumayag ang lalaki. Muli siya nitong ikinulong sa mga bisig nito at hinanap ng mga labi nito ang mga labi niya. Noong una ay ayaw niyang tumugon ngunit nang lumaon ay hindi na niya napaglabanan ang kanyang emosyon. Matagal bago niya nagawang itulak si Dictor saka mariing sinampal.
“Bakit mo ginawa iyon? Alam mong mali iyon! Hindi dapat para sa ating dalawa dahil mayroong masasaktan.!”
“Alam ko, pero mahirap paglabanan ang damdamin na namamahay sa aking dibdib. Amanda, alam kong mahal mo ako at mahal rin kita. Bakit pa natin ipagkakait sa ating mga sarili ang pagkakataon na maging maligaya sa piling ng isa’t isa?” madamdaming pahayag ni Dictor.
Hindi siya makapagsalita sa rebelasyon nito. Mahal siya ni Dictor! Pero mababalewala lang ang pagmamahal na iyon dahil hindi iyon maaari. Maraming tututol, maraming masasaktan at marami ang maaapektuhan kapag ipagpapatuloy nila ang damdaming iyon.
“Oo, mahal kita… pero hindi sapat ang pagmamahalan lang. Ayaw kong makasakit ng iba. Maaaring mahal natin ang isa’t isa ngunit sa pagkakataong ito ay hindi dapat pairalin ang puso. Hindi tayo dapat na magpatalo sa ating emosyon. Utak ang kailangan natin ngayon.” Pilit niyang tinatanggihan ang pag-ibig ni Dictor. Pero sadyang mahina ang tao sa tukso. Kahit na anong pilit niya sa pagtanggi rito, isang halik lang ay nawawala na siya sa sarili, nakakalimutan na niya ang lahat ng kanyang mga pagdadahilan, nalilimot niya ang umisip ng tama.
“Hayaan mong mahalin kita. Hayaan mong damhin natin ang isa’t-isa kahit ngayon lang. kalimutan natin sila. Tayong dalawa lang ngayon. Ikaw at ako sa sarili nating mundo.”
Tila nawiwindang siya sa lahat ng mga sinasabi ng lalaki. Ayaw man niyang aminin ngunit iyon ang totoo. Mahal niya ito. Kahit na ayaw niya ay pinili niyang pagbigyan ang kanyang sarili kahit isang saglit lang…
Pagkatapos ng gabing iyon, gabi ng saglit na paglimot sa kasalukuyan at realidad ay muling nanumbalik ang lahat. Isang bawal na relasyon ang nabuo at nagwakas ngunit hindi kailanman mawawala ang bakas ng kanilang kapusukan sapagkat dala-dala niya sa kanyang sinapupunan ang bunga ng gabing iyon…at kailanman ay hindi na iyon mabubura sa kanyang pagkatao.
No comments:
Post a Comment