Thursday, 1 July 2010

Melodrama

PANGaRap Ko

Masakit na ang araw sa balat ni Boy pero patuloy pa rin siya sa pag-aararo ng palayan nila. Siya lang ang mag-isang nagtatrabaho doon dahil ang kanyang inay ay nasa bahay nila. Ito ang nag-aalaga sa kanyang mga nakababatang kapatid. Ang kanyang ama naman ay nasa kabayanan. Naglalako ito ng mga gamut na ito mismo ang gumawa.



Lunes iyon ng umaga. Dapat ay nasa paaralan siya ngunit sa halip na nandoon siya sa paaralan ay nandoon siya sa malawak na palayan na sinasaka ng kanyang tatay. Mahapding-mahapdi na ang kanyang balat dahil sa tindi ng init. Gustuhin man niya na tumigil muna sa pag-aararo upang sumilong ay hindi naman maaari dahil tiyak na magagalit ang kanyang itay kapag hindi natapos ang ipinagagawa nito sa kanya sa araw na iyon. Minsan ay bigla na lang darating ang kanyang tatay sa palayan. Sa tuwing nahuhuli nito na nagpapahinga siya ay pinapalo siya nito ng malakas at binubugbog. Minsan ay inaaway rin nito ang kanyang inay kapag hindi nagustuhan ang kanyang mga ginagawa. Magkagayunman, mahal niya ang kanyang itay. Ito ang bumubuhay sa kanya. Kung wala ito, paano siya mabubuhay sa mundo? Katuwang ito ng kanyang inay sa pagpapalaki sa kanilang magkakapatid. Kahit na minsan ay nagiging malupit na sa kanya ang tatay niya ay pilit pa rin niya itong iniintindi. Sinasabi na lang niya sa kanyang sarili na iguro ay pagod lang ang kanyang tatay kaya lahat ng galit nito sa buong maghapon ay sa kanya ibinubunton.



Habang tahimik lang siyang nag-aararo ay mayroong dumaang eroplano. Kahit na masakit sa mga mata ang init ay pilit niya iyong tiningala at inaninaw. Hangang-hanga siya sa laki ng eroplanong iyon. Sa isip ay nagtatanong siya kung ano ang nararamdaman ng mga taong nakasakay sa eroplano habang nasa hangin ito at lumulipad. Kinawayan niya ang eropano. Baka mayroong makakita sa kanya at pahintuin ang eroplano sa tapat niya. Pagkakataon na rin iyon para makasakay siya.



“Makakasakay rin ako ng eroplano…makakalipad rin ako, Bilog, at iiwanan ko na ang bukid na ito baling-araw.” Kinakausap niya ang kanyang kalabaw.



Punung-puno siya ng pag-asa na matutupad ang simpleng pangarap niya. Iyon lang ang tanging gusto niya- ang makasakay ng eroplano. Naniniwala siya na matutupad iyon. Kapag nagkaroon na ng kaganapan ang kanyang simpleng pangarap ay siya na ang magiging pinakamaligayang tao sa buong mundo!



Nang matapos siya sa pag-aararo ay inayos na niya ang kanyang mga gamit at saka sya umuwi.



“Nandito na po ako, inay.” Masiglang bati niya sa kanyang inay kahit na masakit na masakit ang kanyang katawan mula sa trabaho.



“Mabuti naman. O sige, magpalit ka na ng damit. Pagkatapos ay kumain ka na. alam kong gutom na gutom ka na.”



“Opo, Inay.”



Ito ang gustong-gusto niya sa kapag galing siya sa trabaho sa bukid. Asikasong-asikaso siya ng kanyang inay. Ramdam na ramdam niya ang pagmamahal nito na kailanman ay hindi niya nararamdaman mula sa kanyang itay. Hindi rin niya alam kung mararamdaman pa nga kaya niya iyon.



Masarap ang niluto ng kanyang nanay. Talbos iyon ng kamote na binagoongan at gumawa rin ang kanyang nanay ng sawsawan na may kamatis, sibuyas at suka.



Kasalukuyan siyang kumakain nang dumating ang kanyang tatay na halatang nakainom dahil nangangamaoy alak at namumula ang mukha.



“’tay, kumain nap o ba kayo?” magalang na tanong niya sa kanyang tatay. Idinulot rin niya ang pagkain na labis sa kanya. Ngunit hindi niya inaasahan ang naging tugon ng kanyang tatay. Matalim na tingin ang ipinukol nito sa kanya. Ang mga mata nito ay tila nag-aapoy. Mababanaag ang labis na galit at pagkamuhi nito na lubusan niyang ipinagtaka.



Hindi na lang siya nagsalita pang muli kahit na litung-lito siya sa ikinilos ng kanyang tatay. Baka kapag nagsalita pa siya ay tuluyang bumuhos ang galit at pagkainis nito. Ngunit tila hindi naman mapakali ang kanyang tatay. Mayamaya ay tinawag siya nito sa paasik na tono.



“B-bakit po, itay?” nangigninig na ang kanyang boses. Natatakot siya na baka paluin siya ng tatay niya. May agam-agam pa rin sa kanyang pag-iisip dahil baka hindi nito nagustuhan ang kanyang naging trabaho kanina sa kanilang palayan.



“Huwag mo na akong tatawagin na tatay.”



“P-pero, bakit naman ho?”



“Hindi ako ang tatay mo. Bastardo kang batan ka! Bastardo! Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin niyon? Anak ka sa pagkakasala! Naiintindihan mo ba ang sinasabi ko? Anak ka ng nanay mo sa ibang lalaki at kahit kalian ay hindi kita maaaring ituring na anak ko!” nilapitan siya ng tatay niya. Marahas na hinawakan ang kwelyo ng kanyang damit dinuraan nito ang kanyang mukha. Pagkatapos ay pabalibag na binitawan siya na naging sanhi ng pagkakalugmok niya sa sahig na kawayan. Ang likod niya ay tila mababali sa sakit dahil sa lakas ng pwersa ng ginawa nito sa kanya.



Masakit man ang ginawa nitong pagbalibag sa kanya at nakakasuka man ang pagdura nito sa kanyang mukha ay wala nang mas hihigit pa sa sakit na idinulot nito sa kanyang puso. Sa musmos niyang pag-iisip ay naging malinaw sa kanya ang lahat. Kaya pala kahit kailan ay hindi niya maramdaman ang pagmamahal mula sa kanyang tatay ay dahil hindi siya nito anak.



“Castro, anong ginawa mo kay Boy?” naghihisterya ang kanyang nanay dahil narinig nito ang pagbulyaw sa kanya ng kanyang itay



“Wala kang pakialam kung ano ang gawin ko sa mga anak ko at sa anak mo. Ako ang nagpapakain at bumubuhay sa inyo kaya wala kang karapatang magreklamo.”



Gustong umiyak ni Boy dahil sa kalagayan niya. Hindi niya akalain na ang tingin sa kanya ng tatay niya ay isang palamunin at pabigat. Na kapag gugustuhin nitong saktan siya-sila, ay hindi sila maaaring magreklamo dahil ito ang bumubuhay at nagpapakain sa kanila. Nang gabi ring iyon ay lumayas siya, ngunit siya niya alam na gising pala ang kanyang ama-amahan. Pinalo siya nito ng pinalo. Masakit ang bawat tama ng pamalo sa Hindi naman niya kasalanan kung bakit nabunis ang kanyang inay ng ibang lalaki. Biktima lang siya at hindi siya ang dapat na pagbuntunan ng sisi at galit!

“Tama na po! Tama na po , itay!”

Nagpatuloy lang ang kanyang itay sa pamamalo sa kanya. Namumula na ang kanyang balat. May dugo na rin na tumutulo mula sa kanyang katawan. Nang masiyahan na ang kanyang tatay ay umalis na ito at iniwan siyang nakalugmok. Para siyang laruan na pinasakitan nito at nang magsawa na ay iiwan. Wala siyang sinayang na sandal. Naglakad siya nang naglakad. Hindi niya alam kung saan siya patungo basta gusto niyang umalis doon. Ang bahay na iyon, na itinuring niyang tahanan niya at pamilya ay hindi naman pala pamilya ang turing sa kanya ng ito ng haligi nito. May takot rin na umusbong sa kanyang isip sa kanyang paglalayas ngunit pilit niyang iwinaksi iyon.



Lumayas siya, hindi alam kung saan patungo. Basta naglakad lang siya nang naglakad hanggang sa inabutan siya ng gutom sa daan. Namimilipit na ang kanyang tiyan sa sakit. Kalahating araw na siyang hindi kumakain. Mayroon pa siyang mga sugat at pasa na tinamo niya mula sa pambubugbog ng itay niya. Wala rin siyang mapagkukunan ng pagkain sapagkat bago sa kanya ang lugar na napuntahan niya. Ang alam niya ay malayo na siya sa kanila. Malayo na siya mula sa kamay ng kanyang ama na nagsisimula nang maging malupit sa kanya.



Sa sobrang gutom at sa init ng panahon ay nagdilim ang kanyang paningin. Pagkatapos ay hindi na niya alam kung ano ang nangyari sa kanyang paligid. Nang magkamalay siya ay wala na siya sa kalye. Hindi na rin nananakit ang kanyang balat sa tindi ng init ng araw. Nandoon siya sa isang silid. Base sa pagkakaayos ng silid ay sigurado siyang hindi iyon ospital. Nandoon siya sa isang malaking kwarto. Nakahiga siya sa malaking kama na mayroong napakalambot na kutson. Nagtataka siya kung paano siya napunta sa lugar na iyon. Muli niyang naramdaman ang pagkalam ng kanyang sikmura.



Mayroong pumasok sa kwartong kanyang kinaroroonan. Isang dalaga na mayroong bitbit na pagkain niya. Nilapitan siya nito at pinakain. Pagkatapos ay muli siyang iniwan. Ni hindi siya nito kinausap. Nagtangka siyang magtanong pero madali itong nakalabas ng kwart at nawalan siya ng pagkakataong makapagtanong



Mayamaya ay may pumasok na naman na isang lalaki sa kwartong iyon. Hindi niya kilala ang lalaki subalit sigurado siya na isa itong banyaga dahil kakaiba ang kutis nito at ang mga mata nito ay kulay berde. Mataas rin ang lalaki.



“Hi, boy, how are you?” tinanong siya ng lalaki.

“I’m fine sir. Thank you for helping me.” Kahit na hindi siya palaging nakakapasok sa paaralan ay mayroon naman siyang alam sa pakikipag-usap sa ingles.

“Good to hear that. What are you doing in the street?” muli ay tanong ng lalaki. Kita niya sa anyo nito ang sinseridad kay hindi siya nag-atubiling isalaysay dito ang lahat ng pangyayari na naging dahilan ng paglaboy-laboy niya sa lansangan.



Naawa marahil sa kanya ang dayuhan kaya kinupkop siya nito at itinuring na isang kapamilya. Palagi siya nitong binibilhan ng mga bagong damit, mga laruan, masasarap na pagkain, pinag-aral rin siya at higit sa lahat ay nadama niya mula rito ang pagmamahal na ipinagkait sa kanya ng taong itinuturing niyang ama sa loob ng mahabang panahon. Nang magbinata na siya ay isinama siya nito sa ibang bansa. Ngayon nga ay maayos na ang kanyang pamumuhay. Ang pangarap niya noon na makasakay ng eroplano ay natupad na at higit pa nga roon ang kanyang nakamit.

No comments:

Post a Comment